Mabait ang nanay ko ngayong araw. Mabait din siya kahapon, mabait din siya kahapon ng kahapon, mabait siya buong linggong ito. Iniisip mo siguro kung ano ang problema dun, MALAKI, yun ang sagot ko. Hindi naman kasi yun ang normal niya. Hindi mainitin ang ulo niya, hindi siya palaging naka simangot at nag tatanong siya kung may pera ako, tuwing inuulit ko ang mga pangyayaring ito sa isip ko, hindi ko mapigilan itanong: may taning na kaya ang buhay niya?
Yun ang dahilan kung bakit ako kinakabahan. Kasi hindi naman siya ganyan. Sa tagal naming pag sasama, tinanggap ko nang hindi siya perpektong ina. Pero bakit biglaan ang pagbabago? Sa tuwing lalapit siya, kinakabahan ako, ano bang kelangan nito? Para siyang isang time bomb, hinihintay kong sumabog, hinihintay kong lumabas ang tunay na katauhan. Pero sa buong linggong ito, hindi ito nangyari. Kaya kabado ako at ‘di mapakali.
Hindi ko sinasabing ayaw ko siyang maging mabait, sa katotohana’y lagi ko tong dinarasal, gusto ko kasi ng normal na nanay. Pero ‘tangina parang biglaan.
May taning na ba siya? Nakidnap ba siya ng mga alien at pinaglaruan ang isip niya? Nag ka near death experience ba siya at nag flash sa mga mata niya ang buong buhay niya? Kinausap ba siya ni Brad Pitt? Ewan ko.
Problemado ako sa kalagayan niya. Hindi ko na kasi siya makilala.
Pero hindi ba dapat ako matuwa? Sabi nga ni Rob, ienjoy ko nalang. Oo nga, tama siya. Ienjoy ko nalang. Siguro yun yung problema sakin, takot akong yumakap ng pag babago kasi hindi ko ito napag handaan, hindi ko ito alam. Siguro takot akong makita na mabait siya, kasi sa ganitong lagay, lahat ng pinaniniwalaan ko tungkol sakanya kelangan kong baguhin, kelangan kong kwestyunin. Siguro yun yung dahilan kung bakit hindi ako masaya, takot ako na mabago ang mga nasa isip ko na, takot akong humarap sa hindi ako sanay. Dibale nang gago.
Yun ang susubukan kong gawin. Susubukan kong tanggapin ng walang alinlangan ang pag babagong ito. Sumabog man siya ulit, bumalik man siya sa dati, ang mahalaga, na enjoy ko ang kapirangot na sandaling naging mabait siya at kaaya-aya.