kanina habang nag rorosaryo ako, may kumatok sa pintuan. naasar ako ng konti, nawala ako sa momentum, pero wala akong magagawa. pag bukas ko, may sumalubong sakin na bata, ‘kuya, angelus na’. nagulat ako. si jose. na-miss ko siya. bihira na kasi akong umuwi ng bahay bago mag ala-sais. kaya nakakatuwa na pagkatapos ng matagal na panahong hindi namin pagkikita, naaalala niya parin ang aming 6pm rendevouz. nakakatuwa talaga. (mas makikilala ang batang ito sa mas naunang kong post: http://templatepersonality.wordpress.com/2008/05/28/an-afternoon-with-a-good-friend/ ) ayun na nga, natapos namin yung angelus, tapos tumingin siya sa hawak-hawak ko. ano yan? sabi niya. rosary, sagot ko naman. nagdadasal ka ba? tanong niya ulit. oo, bkit? sagot ko naman ulit. turuan mo ako. sabi niya. whaw. sabi ko sa loob-loob ko. tatagal kaya ito? pero syempre, tinuloy ko yung pagtuturo sa kanya. inaasahan ko, simula palang ma-bobore na siya, pero hindi. mukhang nageenjoy siya. sa bawa’t glorious mystery, may picture akong pinapatitigan sakanya habang nag dadasal, para mas lalo niyang ma-gets. pag dating sa third mystery, descent of the holy spirit upon mary and the apostles, bigla niyang tinanong kung anong nangyayari. sinagot ko naman na bumaba ang holy spirit dun kila mary para maging matapang sila at matalino. napatingin siya sakin, tumalino sila? tanong niya. tumango naman ako. kuya, may holy spirit ka rin ba?
OHMHIGHAS! napatigil ako. anong sasabihin ko? meron nga rin ba ako? di nga ako sigurado kung nasa state of grace ako eh.. tapos biglang nag flash back ang gospel ngayong araw: You are like whitewashed tombs, which appear beautiful in the outside, but inside are full of dead men’s bones and every kind of filth!
be true to oneself. magpakatotoo sa sarili. anong ibig sabihin nun? bawal mag pakitang tao? bawal maging mukhang mabait? hindi dapat tumulong sa ibang tao kung napipilitan lang? ibig sabihin ba nun, kung masama ka, wag ka nang gumawa ng mabuti? ano? pinagisipan ko yun nung pag alis niya. pano nga ba mag paka totoo sa sarili?
may mga taong madadamot, mainitin ang ulo, may mga bastos, ang ibig sabihin ba nun hindi na sila pwedeng mag pakitang tao man lang, kahit paminsan-minsan? hindi ba na mas mabuti nang ganun para kahit paminsan-minsan nakakagawa rin sila ng tama? anong ibig sabihin ng woe to you hypocrites? tapos naisip ko yung experiment namin nung tuesday: multi step synthesis of aspirin. baka ganun din sa pag papakatoto. kelangan din multi step.
boom! multistep synthesis of one’s true self.
una, kelangan aminin muna sa sarili ang kagaguhang umiiral sa pagkatao. kelangan malaman ito at tanggapin ng buong puso. sa tingin ko ito ang unang step, at ito rin yung step kung saan maraming tao ang nastu-stuck, ako rin ata, dito na sa-stuck eh. ako kasi, alam ko yung mga kakupalan ko, inaamin ko yun sa sarili ko, tanggap kong ganun ako, tapos hanggang dun nalang ako. hindi na ako umuusad, kaya hanggang ngayon, gago parin ako. linoloko ko yung sarili ko sa pagiisip na: “nagpapakatotoo” lang naman ako eh, kaya ako gago. asa. tamad lang ako umusad sa next step.
pangalawa, tanggapin na hindi “pure” ang tunay na pagkatao. hindi ako naniniwalang tunay na dalisay ang pagkatao ng bawa’t isa, siguro totoo yun sa mga taong hindi exposed sa internet, sa TV, sa video games, sa MTV, hehe, pero ako exposed ako dun, at alam kong yurak na ang “tunay” kong pagkatao. hindi dapat lokohin ang sariling hindi naman talaga ikaw ang mga masasamang bagay na iyong ginagawa. isang malaking kahibangan yun. lahat ng masama mong ginagawa, at epekto sa iba ay tanging repleksyon ng iyong pagkatao. nakakagago yun tanggapin. pero ganun talaga.
pangatlo, kelangan tanggapin sa sarili na hindi okey ang lahat. laging maririnig ang ganitong dahilan: wala ka nang mgagawa, ganito talaga ako, masaya naman ako eh, bakit ako magbabago? isa rin yang malaking pagsisinungaling sa sarili. sinasabi mo lang yan kasi mas madaling tanggapin na masaya ka na. na hindi na kelangan ng pagbabago, kasi okey ka na. sinasabi mo lang yan kasi mahirap tanggapin ang katotohanang hindi ka masaya sa pagkatao mo ngayon, na sa totoo lang nagagago ka sa mga masama mong nagagawa at sa mga epekto nito sa iba at pati na rin sa sarili. oo, mahirap ‘to kasi dito, kelangan mong tapakan yung sarili mong pride. kelangan mo tanggapin na hindi perpekto ang estado mo ngayon. hindi yun madali. pero kelangan. kasi ito ang tanging paraan para makapunta sa susunod na hakbang.
pang-apat, papasukin ang ligaya. naniniwala akong iba’t-iba ang pagkatao ng bawa’t isa, naniniwala rin akong maaring magkakaiba ang katotohanan sa bawa’t isa, ngunit naininiwala rin ako sa isang katotohanang alam kong laganap sa lahat: ang katotohanan ng ligaya, at ang katotohanang lahat ng tao, ako at ikaw, ito ang hinahanap. nakarating ka sa hakbang na ito, ibig sabihin ngayon, alam mo nang hindi ka okey. alam mong may kulang sa buhay mo, at yang pagtanggap na yan ang nagbukas sayo sa ligaya. dahil alam mo nang butas ka, alam mo nang kaya mong papasukin ang ligaya sa sarili mo, kelang mo lang siyang tanggapin at papasukin. pano? hindi ko alam. ano bang pinaka nagpapaligaya sayo? mas maayos sigurong tanong, sino ang mga nagpapaligaya sayo? sila ang mga taong nagpapaligaya sayo ngunit unti-unti mo naman tinataboy dahil sa mga dati mong illusyon ng iyong pagkatao. sino? kasi ngayon, alam mo nang kupal ka at alam mo naring kelangan talaga ng pagbabago ang tunay na ikaw, kaya maitatakwil mo na ang ang pagkatao mong puno ng kagaguhan. kasi ngayon, nakikita mo na kung ano talaga ang mahalaga. diba? ngayon kasi nakikita mo na ang pagkataong lihim nang inaasam ng iyong kaluluwa, isang pagkataong matagal mo nang tinatanggi, diba? alam mo nang ang pagkataong hangad mo’y di talaga kumplikado, at matagal nang nasayo. sa totoo nga’y sobrang payak lamang nito eh: isa ka lamang pakete nang pagmamahal. oo, sa tingin ko ikaw yan pagkatapos hilurin lahat ng illusyon at pagsisinungaling. isa ka lamang simpleng pakete ng pagmamahal na bukas sa ligaya at sa ibang tao. isa ka lang love-bag, in the most innocent sense.. actually, pwede rin in the not so innocent eh… hehehe…
sa madaling salita, ang makikita mo rin sa rurok ng iyong paghahanap sa iyong tunay na pagkatao ay ang iyong puso. makikita mong ang pinakamalalim na ikaw, ay ang pagkatao mong marunong ngumiti, ang pagkatao mong yumayakap sa iba, ang pagkatao mong nagmamahal.
gustong gusto ko talaga si jose. lagi niya akong pinapa-isip.
rob said,
August 28, 2008 @ 1:31 pm
hanga na ako sa reflections mo, may Holy Spirit ka talaga!