autobiography

matagal ko nang gustong magsulat ng auto-biography, kaso lang lagi akong nag dadalawang isip. pero ngayon, dahil stressed ako sa maraming bagay (tulad ng post lab tungkol sa thin layer chromatography ng 2,4-di-tri-butylphenol at 2,6-di-tri-butylphenol; math long test; organic chem long test; at isang stressing na magaganap na hindi ko pwedeng ipagsabi) naisipan ko na itong simulan.
***pero merong catch ang auto-biography na ito, hindi ka sigurado kung nag sisinungaling ako, o hindi. kaya kung ako sayo, ituturing ko nalamang itong fiction.***

CHAPTER 3
NAGSISIMULA NA ANG SIMULA NG BUHAY KO

masayadong mabilis ang mga pangyayari pagkatapos ng pagpapasikat ko sa harap ng nanay ko. hindi ko na namalayan, o baka nakalimutan ko lang ngayon, kung iisipin mo naman kasi, 15 taon na ang nakalipas. nalaman ko nalamang, nasa tren na akong papuntang manila. yun ang una kong pag sakay sa tren. tuwang tuwa ako. ang linis ng tren, puting-puti, ang laki, ang ganda ng upuan, pwede akong mahiga. hindi ganito ang tren na inasahan kong sasakyan namin, hindi kasi ganitong klaseng tren yung napapanood ko sa tv. ang alam kong tren yung kagaya kila indiana jones, yung masikip, marumi, mausok at maraming mga bandidong naghihintay lang nang pagkakataon, hindi ko inasahang ganito pala ka boring ang tunay na tren. pero kahit na, masaya parin ako. malamig. unang beses ko rin noon maka-tikim ng chocolait. oo, chocolait. ewan ko kung meron pang chocolait ngayon, chuckie na ata ang tawag, pero hindi naman nag iiba ang lasa.

sa bawa’t higop ko ng chocolait, nararamdaman kong umuuga ang pwet ko. nakaka-asar man yun, masarap naman ang chocolait, at linalasap ko yun. hindi kasi ako pinapainom ng chocolait noon eh, gatas lang. naaalala ko tuloy sa klase, ang baon ko ay isang malaking container ng gatas, mga 2.5 liters ang nauubos ko sa recess. haay. ang wirdo ko. pero sanay naman ako eh. bihira lang naman ang 4 years old na bata na naka salamin, hindi pinapainom ng chocolait at nagpipilit sa magulang pumunta ng manila para makasali sa that’s my boy. oo, wirdo ako, pero masaya naman ako eh.

pagka-gising ko, nasa manila na kami, wala narin kami sa tren, kinarga ata ako. nasa taxi na kasi kami noon. natulog ulit ako. sunod kong bukas ng mata, naka-hilatay na ako sa kama sa isang masikip na kwarto. nasa paupahang kwarto na pala ako ng mga tito kong taga manila. nangungupahan sila dito para makapag-aral, habang ako naman, bumisita, nag-absent sa skwela, para sumali sa that’s my boy. hindi ko alam noon na kahibangan yung ginawa ko. ang alam ko lang noon, masaya ako, kasi malapit na sa katotohanan ang pangarap kong makalabas sa tv.

“o, gising ka na pala! kumusta naman ang biyahe?” bati sakin ng isa kong tito. tatawagin natin siyang tito1. “psst!” singit ng nanay kong nagaayos ng gamit namin na nakasiksik sa bagahe. “kausapin mo ng english yan. wag tagalog.” “hindi ba ito nakakaintindi ng tagalog?” tanong ni tito1. “i understand tagalog.” singit ko, inaantok pa ang boses. “yun naman pala eh,” nakangiting sabi ni tito1. “sundin mo nalang ang nanay niya, mukhang naaasar na sayo eh.” sabi ng isa ko pang titong nakatira doon. tatawagin natin siyang tito2. nagusap silang tatlo sa spanish. parang nagsisigawan. sanay naman na ako. lagi naman silang ganun, buong pamilya silang ganun. konting di pagkakaintindihan, mag e-espanyol na at magsisigawan. normal yun. pero sa huli, nag babati rin naman sila.

“so (pangalang ko), tomorrow we are going to abs-cbn. do your best right? so for now, rest.” sabi ni tito1. {oo, sa mga hindi nakaka-alam, ang that’s my boy ay isang kontest sa eat bulaga, oo. pero ang eat bulaga noong 1994 ay nasa abs-cbn pa.}

excited na ako. sana mag bukas na. sana mag bukas na.

*itutuloy*

CHAPTER 2
LITTLE MOSES WENT TO TOWN

anong sasabihin ko? wala akong alam na tula. pero hindi ako pwedeng mapahiya. four years old man ako noon, may pride na rin ako. minsan lang makinig ang nanay ko, tsansa ko na ito. inaayos ko yung tayo ko, ginalaw ang salamin, at pinalipad ang mga salita ko sa kawalan.

little moses went to town *bow* ***kakabasa ko lang ng kwento nito nun***

where? where? where is the princess who is supposed
to get me in this basket?
do you know me? i am,
baby moses.. the second! ***anong kasunod? bahala na..***
mommy, mommy, may magician sa party, ***ovaltine commercial, na may joke!***
eh kung walang ice?
masarap parin!
eh kung walang water, masarap parin!
eh kung wala na? ano pang masarap, eh wala na nga?
kaya noy, ang tunay na samahan, walang lamangan… ***eddie garcia spoof***
kaya ang tanong, sino ang best friend mo doon? ***movie spoof***
teka lang, bakit ako ang sasagot, eh ang tanong,
where, where is the princess, who is supposed to get me, ***kelangan nang bumalik, wala nang maisip*
in this basket? far away where the land is green and the trees are high?
i hope she finds me just in time for,
eat bulaga!

natapos din. tulala ang nanay ko. masaya kaya siya? nauto ko na kaya siyang pumunta ng manila para isali ako sa that’s my boy? makikita ko na kaya ang sarili ko sa tv? di ko pa alam, at di ko nun nabasa sa mga mata ng nanay kong blanko at nakatitig sakin.

*itutuloy*

CHAPTER 1
DITO NAGSIMULA ANG LAHAT

tumatalon ako sa kama, kinukulit ko yung nanay ko nun na nagluluto ng tanghalian namin. talon ako ng talon habang sumisigaw, pinaparinig sa nanay kong banas na banas na sa akin, “ma, let’s go to manila!”. paulit-ulit ko yun sinasabi sa kanya, pero parang wala siyang naririnig. araw-araw ko yun sinasabi, pero parang wala lang sakanya. balak niya atang mabulok kami sa probinsya, hindi ako papayag noh, may iba akong balak.

tumigil ako sa pagtalon-talon sa kama, iniwanan ang TV at nilapitan ang nanay kong linalatag ang tumitilamsik na hotdog sa plato. “ma”, sabi ko sakanya, “why don’t you ask me why i want to go to manila, instead of ignoring me?” napikon na ako eh, may hangganan din ang pasensya ko, four years-old ako, kaya may karapatan akong maging makulit. hinarap ako ng nanay ko at sinagot, “ok, so why do you want to go to manila?” salamat, pinansin rin niya ako. “because… because i want to join that’s my boy!” tuwang tuwa ako habang sinasagot ang nanay ko, sobrang saya na parang nagliliparan ang boses ko sa langit, pero hindi naman ginaganahan pabalik ang nanay ko, “naga city is far away from manila. we are in bicol, manila is a big city”, sagot nang nanay kong bumalik sa pagaayos ng mesa. hindi ganun ang pagsagot sa 4-years old na bata, dapat sinusoportahan, hindi tinatanggihan kung may pangarap, pero kakaiba talaga ang nanay ko. at dahil anak niya ako, kakaiba rin ako, kaya hindi agad ako sumuko. “ma, i really want to join the contest and be on TV.” sinabi ko sakanya habang nakatayo sa pwesto ko kanina pa, hindi natitinag. “ok, what would you do?” tanong naman niya sakin. ano bang kaya kong gawin? “i could recite a poem, i saw those kids in TV, they recite poems.” sagot ko sa nanay ko. di na ako sigurado sa mga sinasabi ko nun. “ok, prove to me, recite a poem.” tumawa siyang patago, alam niyang wala akong alam na tula. alam niyang wala talaga akong kayang gawin. alam niyang bano ako at walang pag-asa sa showbiz, pero kagaya ng sinabi ko, 4-years-old ako nun, may karapatan akong maging makulit, mayabang at mangarap. “ok, i’m going to start now.” hindi ko alam, pero sinubukan kong magisip ng mga salita, anong sasabihin ko? ewan, pati nga nanay kong kaninang nakaharap sakin, tumalikod na. pero, hindi pwede, kelangan kong lumabas sa TV, gusto kong pumunta ng manila. “ok mama, listen to me..”

/*sa mga di nakaka-alam, ang that’s my boy ay isang contest sa eat bulaga na noong 1993 ay nasa channel 2 pa. para siyang little miss philippines na panlalaki.*/

*itutuloy*

2 Responses so far »

  1. 2

    tama si kris aquino, me angkin kang gift… tinapos ko!


Comment RSS · TrackBack URI

Say your words